Para sa mga nagtanong, nagtatanong, at magtatanong
Dear Anna,
Kinamusta mo ako, kaibigan, at ito na ang pinakahihintay mong kwento. Ipagpaumanhin mo at natagalan. Sana okey lang na nilagay ko siya rito para mabasa ng lahat. Marami rin kasi ang nagtatanong at nangangamusta sa akin, at mahirap magkwento nang paulit-ulit. Ipagpaumanhin sana ang pagiging mayabang ko (ganyan na talaga ako, wala na tayong magagawa. Ako yan eh.) at ang palpak kong Filipino at paggamit ng Ingles; sinusubukan ko talagang maging mas mahuasay sa ating napakagandang wika. Sana sumagot ka sa pinakamadaling panahon. Miss na kita!
Score
Isang liham, kwento, repleksyon, at pagbabalik-tanaw.
Mag-iisang taon na rin akong wala sa Pilipinas. Napakaraming nangyari sa akin, napakaraming desisyong nakapagbabagong-buhay ang nagawa ko, at siniksik ko ng karanasan ang mga buwan bago ako naging 20 taong gulang para lang masama ko sila sa aking listahang ‘Mga nagawa ko bago ako naging 20.’ Dyowk lang, wala naman ako talagang listahan, sa utak lang. Hehe.
Noong huli tayong nagkita, isa akong estudyanteng nars ng Unibersidad ng Santo Tomas. Hindi ako masaya sa kalagayan kong iyon dahil hindi ko naman talaga pinili ang narsing, ang totoo ay wala akong pinili para sa sarili ko noong hayskul tayo at naloloka kung anong kurso ang itsetsek sa application form. Ang magulang ko lang ang pumili para sa akin, ang kamay ko ang nagtsek.
Marami akong rason sa pag-alis sa narsing. Una, hindi ko nakikita ang sarili ko sa propesong iyon, kumbaga, hindi ko siya ‘path.’ Pangalawa, masyadong mataas ang paggalang ko kay Florence Nightingale at sa iba pang mga nars (tulad na lamang ng lola at tiya ko) para magtrabaho para sa pera lamang. Nursing is such a noble profession. May nagsalita nga sa aming isang alumni, at mahal na mahal niya ang pagiging nars. Tinanong niya kami kung gusto ba namin talaga ang narsing, o ang dolyar lang ang nagpapatakbo ng utak namin. Naisip ko, ang pagiging nars ay pagiging kabahagi ng paghihirap ng tao, hindi pera ng tao. Hindi ako nahulma para roon. At karugtong na rin ito ng aking ikatlong rason, ayaw ko maghanapbuhay para sa pera lang. Gusto ko mahal ko ang ginagawa ko. Ayaw ko maging robot. I do not want to wake up each day and glue myself to the bed because I hate what I do. I want to live and love every day. At ang ikaapat na rason, hindi ako masaya. I was breaking down, in my own way. Hindi ako kumakain nang maayos–ay! Hindi ako kumakain, tuldok. Kumbaga, kung sa ibang tao ultra mild lang iyon, pero sa akin major issue na dahil in general, masaya akong tao, wala akong love issues at kung anu-ano pa, kaya karir ang major life issue ko.
Nagdesisyon akong umalis sa narsing noong sembreak ng 2004. Kaya noong enrolment na ng ikalawang semestre, alam ko na (at ng ilang kaibigan) na huling semestre ko na iyon kasama ang mga kaibigan ko sa narsing. Sila ay mga tunay na kaibigan. Kung may magtanong sa akin, ‘Hindi ka ba nasasayangan sa dalawang taon mo?’ ang sagot ko ay, ‘Hindi, kasi nagkaroon ako ng mga kaibigang panghabambuhay.’ Cheesy ba? Pero totoo. Sila lang naman ang dahilan kung bakit ako nakatagal.
Noong 2004 din pala ay nag-aral ako ng kaunting Pranses. Inaayos ko na rin ang papeles ko para sa Green Card noong 2004. Ang stepfather namin ay isang mamamayang Amerikano diba, kaya kinukuha niya kami. Si Mama, 2003 pa may Green Card at pabalik-balik sa States.
Kasama sa desisyon ng pag-alis ang desisyon ng pagpasok. Saan? Ano? Paano? Parang akong senior ulit sa hayskul, nanghahagilap ng application forms, nagbabasa sa internet ng mga majors, nagtatanong kung ano ang proseso ng pag-apply. Lahat iyon ginawa ko nang sikreto noong ikalawang semestre ng ikalawang taon ko sa narsing. Siyempre, nag-apply ako sa Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo de Manila at sa De La Salle Taft. Nag-eksam pa ako sa DLSU at sa ADMU noong unang bahagi ng taong 2005. Siyempre pumasa ako at mataas ang iskor ko (sa tingin ko hahaha). Higit sa lahat, inisip ko na talaga noong sembreak kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko, at kung anong programa ang tutulong sa akin para makamit iyon. Mahirap kasi maging magaling at interesado sa maraming bagay eh. Alam mo na, ang daming pwedeng gawin kaya hindi mo malaman kung alin sa mga iyon ang gagawin mo. Pinagpilian ko ang journalism, international studies, marketing management, atbp. Sa huli, International Relations Major in European Studies at Marketing Management ang dapat kukunin ko sa DLSU. Bakit? Para kahit sa DLSU ako, double major naman! At saka gusto ko maging isang diplomat o kaya ay opisyal sa pamahalaang Pilipino dahil naisip ko na ang pangarap ko sa buhay: ang magsilbi sa bayan!
Ideyalistko ako. At sa ngayon, puro salita lang. Pero ang totoo, wala na akong ibang gustong gawin kundi makatulong, hindi lang sa maliit na paraan. Ang pangarap kong trabaho ay maging pangulo ng Pilipinas. Panaginip, pangarap, kalokohan. Pero iyon talaga ang pipiliin ko kung may isang genie na magbibigay sa akin ng pagkakataon.
Pagsapit ng Enero 2005 ay ininterbyu na ako sa embahada ng Estados Unidos at nagbook na kami ng flight–round trip, kasi uuwi pa ako para tapusin ang pag-aaral ko. Matapos ang semestre noong Marso ay sinabi ko na sa nanay ko ng lahat: lahat ng plano, lahat ng gusto, lahat ng ayaw. Wala na siyang magagawa. Lilipat na talaga ako sa DLSU at magiging diplomat o kung ano mang trabaho ang maging available para sa isang graduate ng European Studies at Marketing Management. Siyempre, iyakan to the max at sabon to the max ang abot ko sa pamilya ko. Alam mo naman ang pamilya, numero unong pakialamera sa buhay kasi ayaw nilang mapapasama ka. At wala silang tiwala sa Pilipinas, sa kursong gusto ko, sa pangarap ko, at sa akin mismo. Kahit sabihin pa nilang oo, hindi talaga sila maniniwalang kaya kong tumulong sa Pilipinas (o kaya’y may pag-asa pa ang Pilipinas) hanggat may magawa ako. Pero si Mama, sinuportahan na rin niya ang naging desisyon ko. May tiwala siya sa akin. Sa tanong ng mga tiyahin ko na ‘may makukuha ba yang trabaho? Magiging ganyan ba siya? Magagawa ba niya yoon? E diba sa Amerika na kayo, anong trabaho niya doon, sa McDo?’ ang sagot niya ay ‘eh kung magaling ka naman e.’ Mahal na mahal ko talaga si Mama dahil kahit kailan ay hindi niya ako iniwan. Kahit hindi siya sang-ayon sa pasya ko, ’suportahan ta ka’ lang siya.
Kaya naman dumayo ako sa kanluran nang walang suporta ng mga taong daratnan ko. Nandito kasi lahat ng tito at tita ko sa mother’s side, pati lola ko, at lahat sila nagsasabing ’sinayang mo lang, walang mangyayari sa iyo sa Pilipinas, mahirap maging isang diplomat o ambassador, sa KFC ka lang mapupunta, ideyalistiko ka masyado, nagdaan na kami dyan sa phase na gusto tumulong sa Pilipinas at wala na talagang pag-asa, maraming nagpapakamatay para sa green card…’
Bukas lagi ang isip ko sa lahat. Hindi ko pinansin ang masasakit na salita nila (kahit ayaw mong masaktan, masakit pa rin na minamaliit nila ang bayan at ang mga kaya mong gawin para sa kanya). Gusto lang naman nilang tumulong at ayaw nila akong mahirapan, alam mo na, iyong walang makuhang trabaho at naghihirap. May kapatid pa rin kasi ako at isang inang hindi nagtatrabaho. Kaya naman nag-isip akong muli. Alam mo, totoo na pagdating mo dito ay lahat ng plano ay pwede na itapon sa labas ng bintana. Sobrang daming oportunidad ay hindi ka makapamili. Pero naka-enroll na ako sa La Salle at ako na lang ang hinihintay ng mga konyotik na berde at puting dingding.
Nakakasunod ka pa ba? Dahil may US visa na ako, kailangan ko na umalis at mag-landing sa Amerika para maging landed immigrant at green card holder. Dumating ako sa Miami, Florida noong Abril 26, 2005. Doon nakatira yung Tita kong nars. Habang nandoon ay nagpunta kami sa Orlando para dalawin ang Walt Disney World (siyempre). Sa Magic Kingdom at Downtown Disney kami nagpunta, pati na rin sa Universal Studios at Islands of Adventure na theme parks. Nagpunta rin kami sa maraming beaches at kainan sa Miami.
Dumating ako sa Toronto, Canada noong Mayo 11. Siyempre lagi kaming kumakain sa labas, pumapasyal, at nagpapakasaya, kasi dapat ay uuwi ako noong May 31. Huli na nga iyon dahil sa DLSU ay maaga ang pasok hindi ba, pero ok lang.
Pinag-isip ako ng mga Tita ko. Maysakit ang kapatid ko, papasok pa siya sa kolehiyo, at si Mama hindi naman nagtatrabaho nang regular. Kung nars ako o kung ano pa mang trabahong malaki ang kita, hindi naman ibig sabihing hindi ako pwedeng maging diplomat o kung ano pa. Hindi lang naman iisa ang daan tungo sa patutunguhan. Matutulungan ko ba ang Pilipinas kung sarili ko at pamilya ko ay hindi ko matulungan? Maaaral ko ba lahat ng gusto ko aralin kung wala akong pambayad? Iyan ang mga tanong na ang sagot ay ang pagkuha ko ng dental hygiene.
Dentista ang isa kong tita rito at kinumbinsi nila akong manatili na lamang at maging isang dental hygienist–isang 25 CAD/ hora na trabaho kung saan maglilinis ka ng ngipin at maglalagay ng flouride sa enamel ng mga tao–mostly preventive dental services pero pwede rin magpasta ng ngipin at kaunting ortho. Sabi ng pamilya ko huwag na ako umuwi kung ang uuwian ko rin lamang ay isang major na walang kahihinatnan. 18 na buwan lang naman ang pag-aaral, pagkatapos ay pwede na ako mag-aral habang nagtatrabaho. At least may back-up ako sa mga plano ko. Dental hygiene is a very stable profession in Canada, the US, and western Europe, so I have no problems, and besides, my aunt is a dentist, and I can work for her anytime. I don’t even need to look for a job!
Siguro iniisip mo, ‘Eh ganyan din nangyari sa nursing. Inuulit mo lang ang pagkakamali mo.’ Iniisip ko rin yan. Ano ang pagkakaiba nito sa narsing? Sa akin lang, gusto ko na ito, at okey lang na gawin ko siya araw-araw. Hindi ako kinikilig sa prospect, pero may kapatid at nanay pa akong bubuhayin (literal ung sa kapatid ko dahil napakarami niyang sakit). Kailangan ko harapin ang realidad na kailangan ko ng back-up plan para sa plans ko sa buhay. Mag-aaral pa ako ng international relations, mga wika, women’s studies, journalism, media arts, etc. Lilibutin ko pa ang mundo. Kukuha ng PhD sa New Zealand at mag-aaral ng animation sa Japan. Magpapatayo pa ako ng paaralan (o kaya bibilhin ko ang STC hahaha). Sa dami ng gusto ko gawin, kahit ayaw ko, kailangan ko ng pera.
Kaya hindi na ako umuwi. Nagdesisyon akong mag-aral dito ng dental hygiene. Natuwa ang lahat. Si Mama, dahil miss na miss ako, at binebeybi kaming magkapatid, at hindi mapalagay noong una, hindi makatulog. Ngayon lang kasi kami naghiwalay nang mahigit sa tatlong buwan (nagpupunta na siya sa States dalawang summer na, 2003 at 2004.) After I graduate, I can get my family off my back and do anything I want with my life.
Paano na ang mga plano sa buhay? Paano na ang bayan? Kailangan ko muna gumawa ng prayoridad sa buhay. Una ang pamilya ko. Si Mama at si Reineer ang pinakamahalagang tao sa buhay ko, at ginagawa ko ito para sa kanila. Gusto ko maginhawa sila at hindi na kami hihingi ng pera tuwing magpapagamot si Reineer. Sana rin ay gumaling na siya.
Pangalawa ang sarili ko. Alam mo yoong cliché na ‘If you can’t love yourself, you can’t love anybody?’ Kailangan ko magpakasaya sa buhay–malibot ang mundo, magkaroon ng mga karanasan, mag-aral ng lahat ng gusto ko, mamili ng damit at sapatos tulad ng isang normal na babae, atbp. Kailangan ko muna maging ’self-actualised.’ Ayaw ko naman kasing magsising hindi ko nagawa ito o iyan dahil inuna ko kagad ang iba. Gusto ko masaya ako at makamit ko lahat ng pangarap ko. At kung ang dental hygiene ay tutulong sa akin makamit iyon, nang hindi lumalaban sa prinsipyo ko (ng hindi pagtrabaho para sa pera lang, etc.), bakit hindi? Hindi naman ibig sabihing tinalikuran ko na ang bayan. At ayon sa pinakamatalik kong kaibigan at pinakamamahal kong pulot na si Kris Martin, wala namang tagasukat ng pagsilbi sa bayan. Kanya-kanyang serbisyo iyon.
Pag-aantayin ko ang bayan, ganoon ba iyon? Pwede namang sabay, diba? May naiisip na nga akong proyekto ngayon eh, pero inaayos ko pa siya. Sana makuha ko ang suporta mo.
Ngayong natalakay ko na ang mga seryosong isyu, heto naman ang mas eksayting na mga pangyayari.
Marami akong nalibot na lugar rito bago nagpasukan noong Setyembre 2005. Bawat linggo ay nasa theme park o water park ako. Nagpunta rin kami sa beach, sa mga fair, atbp. Natuto akong sumakay ng bus, streetcar, at subway. Kung sa Pinas ay de hatid-sundo ako, dito commuter girl ako. Iba ang kalayaan ng transportasyong pampubliko. Natuto rin ako ng napakaraming bagay ng buhay dito sa Canada: mataas ang buwis, malapad ang mga daan, at lahat nagdedemandahan.
Nagsimula ako mag-aral ng Pranses noong Setyembre. Masaya ako talaga sa pag-aaral ng Pranses, pero nahihirapan pa rin ako makinig kapag mabilis ang nagsasalita. Wala pa rin akong ma-gets kapag mabilis. Nakaka-frustrate nga eh. Gusto ko talaga matuto.
Sumali rin ako sa gym para hindi lumobo dito. Ang saya saya mag-yoga! Frustrated athlete kasi ako hindi ba, as totoo lang marami akong gustong sports, pero hindi ako ‘tunay’ na atleta ng isang sport. Noong grade 2 pa lang kasi mahilig nako sa basketbol, at lumawak ang aking mga hilig noong naglaon. Naaalala ko nga black belter ka sa taekwondo at gusto mo rin ng tennis, si Monica Seles pa nga iyong book report mo noong grade 6. Ako gusto ko si Martina Hingis, nanonood ka pa rin ba?
Adik na talaga ako sa karate. Malaking bahagi siya ng pagdedesisyon ko ukol sa aking hinaharap. Empowering, mind-boggling, body-strengthening, sprit-awakening. Bakit ako titigil, diba, kung maganda siya para sa akin. Salamat sa payo, mag-iingat akong mabuti.
Noong Hulyo ay nagpunta ako sa Cancun, Mexico. Napakaganda ng beach doon. Napakaganda ng lugar, at optimised for tourists lahat. Dumalaw rin kami sa Mayan ruins ng Chichen Itza at Tulum. Mayans ang pinakapaborito kong sibilisasyon. Matatalino sila at astig talaga. Paborito ko talaga ay ang Xel-Ha, isang ecopark kung saan dapat biodegradable ang sunblock dahil literal na ka-swimming mo ang mga isda at dolphin.
Nagpunta rin ako sa New York, New York. Mukhang Maynila. Gusto ko bumalik para dalawin ang mga museo, ang Sex and the City tour, manood ng Broadway, atbp.
Dapat pupunta ako sa Greece at Israel pero hindi na ako sumama sa Tita ko.
Noong huli ng Nobyembre hanggang unang bahagi ng Disyembre ay nagcruise kami sa Western Caribbean: Grand Cayman Island (isang munting islang dating bahagi ng British Virgin Islands, maraming Pinoy at mas mataas ang pera kesa sa USD); Isla Roatan, Honduras; Belize City, Belize (kung saan dalawa lang ang ilaw trapiko sa buong lungsod at sira pa iyong isa; walang sinabi ang Maynila sa Belize!); Costa Maya, Mexico. Masaya at nakakataba.
Nagtatrabaho ako ngayon bilang isang dental assistant tuwing Sabado sa klinika ng tita ko. Kaya naman puno ang iskedyul ko, Linggo lang ang pahinga. Pero masaya ako na marami akong ginagawa. Hindi ko naiisip na malayo si Mama, Reineer, at mga kaibigan ko.
Lubos na akong nangungulila sa Pilipinas, lalung-lalo na tuwing malamig dito at tagos sa buto ang lamig. Kung papipiliin ka, ano mas gusto mo: ang mangisay sa lamig o magpawis ang kili-kili? Haaay. Basta miss ko na ang ensaymada at Eden cheese. Higit sa lahat, miss ko na ang mga kaibigan ko. Sa totoo lang, mahirap ang walang kasama maglakwatsya, kumain, walang kausap sa mga bagay-bagay, walang karamay. Lagi kasi akong mag-isa, sa subway o bus na naghahapunan, at walang kausap sa ibang bagay. May Pinay akong kaklase at kaibigan sa klase, pero iba rin ang mga kaibigan noong haysul pa lang. Mayroon na naman akong nagiging ka-close na mga kaibigan, lalo na sa French class, matatalino rin kasi sila at mahihilig kami sa paglalakbay, matatalinong pelikula, wika, atbp. Hindi naman kasi ako isang ’sociable’ at ‘friendly’ na nilalang. Ayaw ko ng mga perky. I think I VASTLY improved my social and public relations skills, which is good for my diplomacy and dental job, right?
Napakarami kong natutunan dito. Una, ayaw ko maging mayaman. Napagtanto kong wala namang napapala ang tao sa pera. Gusto ko na lamang ay magkaroon ng salaping sapat para sa lahat ng taong bibigyan ko ng regalo, para sa mga regalo ko sa sarili ko, at para sa mga pangarap ko. Pangalawa, ang mga plano ay dapat ‘flexible.’ Maganda ang may plano para sa direksyon at ‘goal- and priority-setting,’ pero dapat may ’spontaneity’ pa rin, kasi iyon ang nagpapaeksayt sa buhay. Ikatlo, dapat din, when faced with a decision, a person will make the choice alone because that person will face the consequences of the said decision alone. Buhay ko ito, buhay mo iyan, walang pakialamanan, kung hindi ikaw ang nagpapalamon sa akin. For the first time in my life I am really deciding where I want to go, who I want to be, what I want to do, how I will fulfil my dreams, what are my limits… Masaya ang may kontrol, masaya na nakakatakot. Parang nakasakay sa isang salbabida sa ilog na umaagos (aka cave tubing, ginawa ko ito sa Belize, ang saya): pwede ka mag-row at steer, pero bahagi ng adventure ang pagpapakawala at pag-enjoy ng agos ng ilog, at pag-abang kung saan ka dadalhin nito.
Miss na miss ko na ang Pilipinas. Ang mga okasyon dito ay parang hindi okasyon. Walang nakakaalala. Walang nagbabatian. Hindi ko nga alam kung naaalala pa nila ang mga simple at maliliit na bagay na nagpapasaya sa buhay e. Puro pera at trabaho ang nasa utak ng mga tao rito. Walang nagbibiruan, nagtatawanan, kantiyawan, alaskahan, asaran, katuwaan. Walang jokes. Pucha miss ko na ang mga Pilipino. Kaya nga lagi akong dumidikit sa mga Pinoy sa klase, kasi kahit hindi pa kami masyading close, may biruan na. Isa pa rin iyan sa mga kailangan kong matutunan dito: ang pag-adjust sa iba-ibang lahi. Ang Toronto kasi ay isang ‘mosaic’ imbes na isang ‘melting pot.’ All cultures thrive to produce a distinctly multi-cultural society instead of a combined blend. Lahat yata ng tao sa mundo may representative dito e. Masaya pero nakakamiss pa talaga. Ang lungkot nga noong Pasko e, it was the week leading to Christmas but I still couldn’t feel the spirit. Sabi ko, 25 na pala sa Saturday hindi ko pa feel ang Pasko, samantalang sa Pinas ay September pa lang feel na feel ko na. Pati New Year, ang tahimik, mahilig pa naman ako sa paputok kaya nakakadepress. For the first time in my life hindi itim ang tissue paper nung lumabas sa ilong ko.
Kaya bago ako naging dalawampung taong gulang, o sa Old English ay ‘one score,’ nasiksik ko ng karanasan ang buhay ko. Nagdesisyon na ako para sa sarili ko. Ang dami kong ginawa for the first time. Napalayo man ako sa pamilya ko, napalapit naman ako sa sarili ko.
Sa susunod na linggo, darating na sila Mama at Reineer dito. Eksayted na talaga ako, kaya sana masiksik ko sa aking busy schedule ang paglakwatsya kasama sila.
Sa Mayo 26-June 6 ay pupunta ako sa England, Spain, Portugal, at France sa isang cruise muli. Sobrang eksayted na ako. Inaayos ko na ngayon ang mga visa ko.
Kung may hindi ka naintindihan, o may gusto pa itanong, tanungin mo lang. Salamat sa pakikinig. Hindi mo lang alam kung gaano kahalaga sa akin ang malaman na may nakikinig. Mahal kita, at salamat. I miss you!
Sublime Furies
PS
Naalala mo ba, ako iyong Furies sa Greek mythology noong 4th yr tayo?
Kwento ka rin ha. Matutuwa ako. Good luck sa school, kaya mo yan.
3 Comments
Jump to comment form | comments rss [?] | trackback uri [?]