Si Idianalé at ang uwak

Si Idianalé at ang uwak
Sinulat ni Rhoderiezl
Para sa Miel ng buhay niya

Una
Hinahanap ko ang sarili ko.
Gusto ko nang tumakas.
Ayoko na.
Sana matapos na.
Bakit ako nagkakaganito?
Hindi ako ito.
Kung wala ang pananim, wala ako.
Gusto ko umiyak.
Ayaw ko pa mamatay,
Marami pa akong bukid na pagyayamanin.
Sana matapos na ito, kasi
Napapagod na ako maging malungkot.
Ang hirap maging mortal.

Inaasahan ka ni Bathala.
Alam ko.
Buti pa sila, may paniniwala sa iyo.
Hindi lang nila alam ang ginagawa ko rito.
Hindi nila alam kung ano talaga ang gusto ko gawin.
Pero nariyan ka na. Konting tiis na lang,
At maraming paniniwala.

Tiwala? Tinangay na siya ni Amihan.
Babalik siya sa iyo.
Maaari ba muna akong umiyak?
Sige, mag-isa kang umiyak diyan,
At mag-isa ka ring bumangon.

Iwanan mo na ako.

Bakit hindi ka pa bumabalik?

~
At tumulo ang kanyang luha nang hindi nakikita ng iba, akala kasi nila masaya siya.

Ikalawa
Hindi nila alam, hindi rin pwede ipaalam. Ang hirap magtago, ano? Pero isipin mo, lahat ng mortal na tao ginagawa iyon mula pagkabata, ngunit hanggang sa pagtanda ay hindi sila masanay rito.

Lumabas ka.
Ano’ng mayroon sa labas?
Basta, tingnan mo.
Ayaw ko nga.
Bakit, natatakot ka ‘no?
Hindi ah.
Duwag.
*Katahimikan*
Yan lang naduduwag ka na.
Marami pang darating, makikita mo.

Ayaw ko nga. Gusto ko lang umiyak, maaari ba?
Asaan ang luha mo?
*Singhot*

~
Sa konting unos, nabali na siya. Sayang. Akala ko pa naman matatag siya, di tulad ng iba. Magiging mahusay pa naman sana siya, kung nalampasan niya lang ang takot niya.

Ikatlo
Hoy, duwag.
Hindi ako duwag.
Alam ko na.
Ang alin?
Sabi mo takot ka sa pagkabigo.
Pero iyon ay kasinungalingan.

Ano ‘yang pinagsasabi mo?
Takot ka sa sarili mo.
Ano? Pakiulit nga?
Duwag na bingi pa.
Takot ka sa sarili mo.

Nahihibang ka.
Bakit naman ako matatakot sa sarili ko?
Natatakot ka sa magagawa mo.
Natatakot ka sa pagkabigo mo,
Natatakot ka sa tagumpay mo.
Natatakot ka sa kaya mong gawin sa sarili mo,
At sa paligid mo, sa mundo.
Mabuti o masama.

*Katahimikan*
O ano, natameme ka.
Kasi totoo.

~
Si Idianalé ang diyosa ng agrikultura at pagpapalaki ng hayop-pangkabuhayan ng mga sinaunang Tagalog. Siya rin ang tagapagtanggol ng mga magsasaka at mambubukid.


About this entry